-- Advertisements --

Kabuuang 12.56 million Pilipino na ang fully vaccinated kontra COVID-19 sa gitna nang pagsusumikap ng pamahalaan na bilisan ang vaccine rollout para maagapan ang pagkalat pa lalo ng mas nakakahawang Delta coronavirus variant.

Hanggang noong Agosto 15, nabatid na kabuuang 27,806,881 doses na ang naiturok, ito man ay first o second dose, o ng single-dose vaccine, ayon sa National Task Force Against COVID-19.

Sa naturang bilang 12,565,017 indibidwal ang fully vaccinated na, habang 15,241,861 naman ang naturukan ng first dose pa lamang.

Base sa mga datos, ang bansa nakakapagturok ng average na 475,304 doses kada araw sa nakalipas na pitong araw, bahagyang mababa kumpara sa 500,000 jabs kada araw na target ng pamahalaan.

Nauna nang nagpahayag ng kumpiyansa ang Malacanang na nasa 50 percent ng populasyon sa Metro Manila ang nabakunahan na pagsapit ng Agosto 20, o ang huling araw ng enhanced community quarantine sa National Capital Region.