CAUAYAN CITY- Patay ang isang Helper sa banggaan ng tatlong sasakyan sa bahagi Rizal Park, San Fermin, Cauayan City

Ang mga sangkot na sasakyan ay isang tricycle na minamaneho ni Teofilo Gaoiran, nasa wastong gulang, binata,helper na residente ng barangay Union, Cauayan City, isang Hi-ace van na minamaneho ni Benjun Dela cruz, 31 anyos, residente ng Muntinlupa City, at isang pick up na minamaneho naman ni Mervin Cabilez, 31 anyos, residente ng barangay Minante Uno, Cauayan City.

Bago ang aksidente ay kapwa binabagtas ng tricycle na minamaneho ni Gaoiran at pick-up na minamaneho ni Cabilez ang pambansang lansangan patungong timog na direksiyon habang binabagtas naman ng van na minamaneho ni Dela Cruz ang kasalungat na bahagi ng kalsada.

Nag-over take si Gaoiran kay Cabilez sanhi para umagaw ito ng linya at mabangga ang kasalubong na van na minamaneho ni Dela Cruz.

Dahil sa lakas ng banggaan ay bumalik ang tricycle sa linya ni Cabilez.

Nagtamo ng malubhang sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan sina Gaoiran at pasahero nitong si Khim Benedict Macadat, 26 anyos, truck driver, residente ng District 3, San manuel Isabela.

Agad na dinala ng mga tumugong kasapi ng Rescue 922 sina Gaoiran at Macadat sa pagamutan para malapatan ng lunas subalit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician si Gaoiran.

Nasa pangangalaga na ng Cauayan City Police Station ang mga sasakyan at tsuper na nasangkot sa aksidente para kaukulang dokumentasyon at disposisyon.