-- Advertisements --

Simula ngayon ay maaari na ring isailalim sa COVID-19 testing ang mga healthcare workers na makakaramdam ng sintomas ng sakit.

Ito ang tiniyak ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire matapos umanong amiyendahan ng Department of Health (DOH) ang polisiya nito kaugnay ng testing.

“Aming inaamiyendahan ang aming polisiya, kung saan ang ating patients under investigation, kasama na ngayong ang lahat ng healthcare workers na may sintomas.”

Paliwanag ng opisyal, may ilang ospital na tumangging i-test ang kanilang healthcare staff kahit nagpakita na ang mga ito ng sintomas.

“Pangalagaan natin ang ating healthcare workers. Kasama na sila ating protocol na kung sino-sinong pwedeng i-test. Kasama sila kung sakaling mayroon na silang sintomas, kasama na sila doon sa vulnerable population.”

“Kahit mild lang ang sintomas, kasama na sila, bigyan natin sila ng tests, kuhanan ng specimens at ating alagaan.”

Batay sa data ng DOH nitong March 30, nakapag-run na ng 15,337 tests ang pitong sub-national laboratories.

Kabilang na raw sa nasabing bilang ang mga nag-positive, repeated tests, mga nag-negative, mga equivocal o hindi siguradong resulta at uulitin.

Samantala, may reserba pa raw ng kits na kayang humawak ng 85,000 tests.

Sa mga laboratoryo naman, anim pa lang ang granted ng full scale implementation ng testing.

Ang mga ito ay ang RITM, Baguio General Hospital, San Lazaro Hospital, Vicente Sotto Memorial Medical Hospital, Southern Philippines Medical Center at UP-NIH.

Nasa Stage 4 naman ang accreditation ng Lung Center of the Philippines kung saan pwede na silang mag-administer ng test pero kailangang ma-confirm ng RITM kung tama ang resulta ng mga positive.

May 50 iba pang pasilidad ang sumasailalim sa iba’t-ibang level ng accreditation bago maging indepedent testing facility.