Mabusising inaaral ng mga health regulators sa bansa ang bawat datos na binibigay ng mga vaccine manufacturers bago aprubahan ang aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA) ng kanilang mga COVID-19 vaccines.
Sinabi ni Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) member Dr. Inday Dans na magkatuwang ang Food and Drug Administration (FDA) at Health Technology Assessment Council (HTAC) sa pag-aaral ng mga datos tungkol sa mga bakuna.
Akala raw kasi ng publiko ay masyadong mabagal kumilos ang FDA subalit ang totoo aniya ay wala pa namang sina-submit na requirements ang mga vaccine manufacturers.
‘Talagang hindi na ho natutulog yung mga tao dyan sa ating FDA at HTAC, hinihintay lang po nila na magbigay ng tamang datos,” dagdag pa ni Dans.
Sa ngayon ay inaprubahan na ng FDA ang EUA ng mga COVID-19 vaccines na dinevelop ng American drugmaker Pfizer at British pharmaceutical company AstraZeneca.
Habang may tatlo pang pharmaceutical companies ang naghihintay ng EUA approval mula sa FDA. Ito ay ang Gamaleya Research Institute mula Russia, Sinovac Biotech mula China, at Bharat Biotech ng India.
“Sinisigurado po ng FDA at HTAC na talagang pinag-aralan nila. So kung hindi nila mabigay yung tamang pag-aaral, datos, dokumento hindi po nila iyan ia-approve,” wika pa nito.
Ayon naman kay Dr. Aileen Espina, miyembro rin ng HPAAC, na kailangang matuto ng pamahalaan mula sa Dengvaxia vaccine controversy.
“Ayaw na po nating mangyari uli yung nangyari sa atin nung una sa Dengvaxia.Kaya po ngayon sinisigurado natin na dadaan sa tamang proseso,” ani Espina.
“Ngayon bakit natin ito ginagawa? Kasi ayaw natin magsisi pagdating ng panahon. Gusto natin sigurado,” dagdag pa nito.