MANILA – Nagbabala ang isang infectious disease expert laban sa paggamit ng anti-parasitic drug na ivermectin. Ito ay sa gitna ng pagsusulong ng ilang kongresista at grupo na gamitn ang naturang gamot laban sa coronavirus disease (COVID-19).
“Ivermectin doesn’t have yet very good data that it can be beneficial for patients with COVID-19,” ani Dr. Rontgene Solante.
“Wala pa tayong nakikitang magandang data na yung taong binigyan ng ivermectin, napababa ang risk na ma-admit siya or hindi nagka-COVID.”
Binigyang diin ng eksperto ang kahalagahan ng datos mula sa clinical trials para matukoy kung talagang may benepisyo sa tao ang ivermectin laban sa coronavirus.
Ang clinical trials ay isang uri ng pag-aaral kung para malaman ang pagiging epektibo ng isang gamot.
Sa ilalim nito, dalawang grupo ang pag-aaralan. Ang isa ay bibigyan ng ine-eksperimentong gamot, habang ang isa ay bibigyan ng “placebo.”
“Tinitingnan dito kung sino yung mas nag-improve, hindi nag-progress to severe, kung mayroon mang significant effect ang ivermectin compared to those without,” paliwanag ni Dr. Solante.
“Hangga’t hindi mabubuo yung ganyang trial, or makita natin, we don’t recommend ivermectin for patients with COVID-19.”
Ayon sa dalubhasa, maaaring magdulot ng hindi magandang epekto sa katawan ng tao ang paggamit ng ivermectin na hindi rehistrado.
Sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) kamakailan na para sa mga hayop lang ang ivermectin na may rehistro sa Pilipinas.
“Mayroong mga detrimental effect sa side effect that can also damage your liver or kidneys… mahirap kung mag-develop ng side effect na hindi naman aprubado.”
“The fact that it has not yet been approved by the Philippine FDA (Food and Drug Administration) and the other clinical societies, you have to be careful in taking this drug.”
Una nang sinabi ng Department of Health na handa silang makipagtulungan sa mga nagsusulong ng ivermectin sa Pilipinas para magkaroon ng clinical trials.