Hindi sang-ayon ang isang health expert sa pagtanggal ng travel restrictions sa 10 bansa na may mataas na kaso ng COVID-19 at mga variants nito.
Magugunitang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahi ng Inter-Agency Task Force (IATF) na alisin ang travel restrictions sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia at Indonesia, simula sa Setyembre 6, 2021.
Ayon kay dating special adviser to NTF Dr. Tony Leachon, napaka-premature na buksan ang borders, dahil sa kasalukuyang paglobo ng mga kaso sa Pilipinas.
“Too premature to open our borders given the high mobility and high positivity rate in our country.
We tend to self destruct – we should wait for two more weeks and observe the cases in those countries given the local surge challenges we have at the moment,” wika ni Leachon.
Ngayong araw lamang, mahigit 20,700 cases na naman ang nadagdag sa record ng DoH, kung saan ito na ang second highest record ng ating bansa, habang 22,000+ naman ang record high ng Pilipinas.
Sa panig naman ni Dr. Maricar Limpin, convenor of the Healthcare Professional Alliance Against COVID-19, ang kinatatakutang sitwasyon ay nangyayari na ngayon, kaya hindi dapat magkamali sa anumang hakbang para hindi na lumala ang ating kinakaharap na problema.