Naniniwala si House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi applicable sa Pilipinas ang “health-based” Western approach sa pagsugpo sa problema sa paggamit ng iligal na droga sa bansa kung saan shabu ang kadalasang ginagamit.
Sa halip na makatulong, sinabi ni Cayetano na maaring mas makasama pa ang health-based approach na ipinapatupad sa Europe dahil kasama dito ay ang legalization ng droga para sa personal use.
Binigyan diin ng lider ng Kamara na magkaiba ang shabu sa iba pang recreational drugs.
Sa katunayan, mismo ang United Nations na rin aniya ang nagsabi na hindi ito katulad ng cocaine, opium o ng morphine sapagkat ang shabu ay nagdudulot ng “erratic” at bayolenteng pag-uugali.
“So magkaiba ang ideology sa West at dito kasi magkaiba ang drogang ginagamit eh,” ani Cayetano.
Una rito, sinabi ni Vice President Leni Robredo na dapat i-assess o baguhin ng Duterte administration ang war on drugs dahil na rin sa pagtaas ng bilang ng mga drug users sa kabila ng naturang kampanya ng pamahalaan.