Matapos magkaroon ng pagkakamali, ipinasasauli ng pamunuan ng PNP ang COVID-9 hazard pay na ibinigay sa ilang mga pulis na hindi qualified.

Sa isang Memorandum na inilabas ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM), ipinasasauli sa ilang mga Pulis ang natanggap nilang P15,000 na COVID hazard pay.

Paglilinaw ng DPRM, ang mga frontliners lamang na mga pulis ang dapat na tumanggap ng hazard pay ngayong panahon ng COVID.

Kabilang sa mga dapat magsauli ay ang mga naka-schooling na hindi nag-report sa kanilang mga mother units kahit na may recall order ay mga mga Buntis, mga may sakit na hindi naka duty sa “frontline” at mga pinayagang nag-work from home.

Sa memorandum na inilabas ni MGen. Reynaldo Biay ng DPRM, ang mga hindi magsasauli ng hazard pay ay kakasuhan.

Pero para kay PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa, hindi na kailangan ng imbestigahan ang hinggil sa insidente dahil ito ay isang kaso ng “honest mistake” sa panig ng liderato ng PNP.

Akala kasi nila ay lahat ng pulis ay makatatanggap ng Hazard Pay batay sa inilabas na Executive Order ng Malacanang.