Kinumpirma ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang lider ng Abu Sayyaf Group (ASG) na si Hatib Sawadjaan ang bagong acting emir ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria)-Philippines.
Ito’y matapos hingan ng reaksyon sa report ng US na si Sawadjaan ang bagong acting emir ng ISIS-Philippines kahit hindi ito nanumpa sa international ISIS terrorist.
Si Sawadjaan ang itinurong mastermind sa pagsabog sa Jolo Cathedral na ikinasawi ng 23 katao, habang mahigit 100 ang sugatan
Sinabi ni Año, base sa intelligence report ay si Sawadjaan ang humaliling lider ng ISIS-Philippines kay Abu Sayyaf Commander Isnilon Hapilon.
Ayon kay Año, noong ikatlong bahagi pa ng nakalipas na taon nanungkulang lider ng ISIS-Philippines si Sawadjaan.
Nabatid na apat ang paksyon ng grupo na nais magtayo ng ISIS mula sa malalaking grupo ng mga terorista matapos na mapatay sa Marawi City siege noong Oktubre 17, 2017 si Hapilon, ang dating emir ng ISIS sa Southeast Asia.
Samantala, ayon naman kay Western Mindanao Command spokesperson Col. Gerry Besana, bina validate pa nila ang ulat na si Sawadjaan ang emir ng ISIS Philippines.
Pero malaki aniya ang posibilidad na si Sawadjaan ang emir dahil nasa kaniya ang katangian na hinahanap ng teroristang ISIS gaya ng pagiging radical, notoryus at sikat ngayon.