Pagkakaisa pa rin ang sigaw ni former senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hanggang sa pinakahuling araw ng pangangampanya para sa eleksyon ngayong taon.
Sa kanyang naging talumpati sa isinagawang miting de avance ng tambalang BBM-Sara UniTeam na ginanap sa lungsod ng Parañaque ay ipinahayag ni Marcos ang kanyang lubos na pasasalamat sa lahat ng tagasuporta.
Sinabi rin niya na nagsisimula nang makita ang hangad niyang pagkakaisa ng mamamayang Pilipino para sa ikauunlad ng bansa lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ngayon aniya ay nararamdaman na ang pagkakaisa ng taumbayan kasabay daw ng unti-unting pagdami ng sumusuporta sa kanila matapos ang anim na buwang iginugol nila sa pangangampanya upang ipanawagan ang pagkakaisa ng bawat Pilipino.
“Ang taong bayan po ay hindi na po naghintay sa halalan, ang taong bayan po noong narinig ang aming mensahe ng aming adhikain ng pagkakaisa ay sinimulan na ang pagkakaisa kaya ating nararamdaman ngayon, na ang buong Pilipinas ay dahan-dahan nang nagkakaisa.” ani Marcos.
Samantala, bukod dito ay bahagya rin siyang nagpasaring at nanawagan sa lahat ng tagasuporta na ingatan ang kanilang mga boto at walang tulugan para mabantayan ang magiging resulta ng botohan.
Sa pagtatapos naman ng kanyang talumpati ay muling nanawagan ang dating senador at ngayo’y presidential candidate sa lahat ng mamamayang Pilipino na manguna na sa kilusang pagkakaisa para sa bawat isa at para sa bayan.
Kung maaalala, Si Marcos ang palaging nangunguna sa mga kandidato sa pagka-pangulo sa mga election survey sa nakalipas na mga buwan noong panahon ng kampanya.