ROXAS CITY – Dinagsa ng daan-daang mga Capizeño ang isinagawang Handog ng Bombo Radyo at Star FM sa Sinadya 2019 Dance Showdown Competition sa Dinggoy Roxas Civic Center.
Pitong dance groups ang humataw at nagpamalas ng kanilang galing sa dance floor na kinabibilangan ng Street Impact, Fortiz Aliumz, Cedentary Crew, One Crew, King of Motion, Vtrex, at TNG Family.
Hinirang na kampeon ang One Crew na nakatanggap ng P10,000; 1st runner up ang TNG Family na nakatanggap ng P7,000; at P5,000 naman ang natanggap ng Fortiz Aliumz na hinirang na 2nd runner up.
Hindi naman umuwing luhaan ang iba pang participating dance groups dahil nakatanggap rin ang mga ito ng consolation prizes.
Nabatid na maliban sa pitong dance groups ay ikinagalak rin ng mga manonood ang live performance ng Cytoplasm Band, ang hinirang na kampeon sa Handog ng Bombo Radyo at Star FM sa mga Capizeño Battle of the Bands Competition noong Abril kasabay ng Capiztahan 2019.
Maliban pa dito, nagpakita rin ng talento ang mga haranista ng Harana Live sa Bombo at ilang personnel ng Bombo Radyo Roxas.
Ang naturang kompetisyon ang isinagawa ng Bombo Radyo at Star FM kasabay ng selebrasyon ng kapistahan ni Immaculada Concepcion o ang tinaguriang Sinadya Festival.