Naglabas ng isang video ang Islamist group na Hamas na nagpapakita ng pahayag mula sa isa sa mga bihag na nahuli nila sa pag-atake noong nakaraang linggo sa Israel.
Sa footage, makikita ang babaeng sugatan ang braso na ginagamot ng isang hindi kilalang medical worker.
Kinilala ng nasabing bihag ang kaniyang sarili bilang si Mia Schem, 21 taong gulang, na humihiling na maibalik sa kanyang pamilya sa lalong madaling panahon.
Kinumpirma naman ng isang myembro ng pamilya ni Schem ang pagkakakilanlan nito. Nauna nang umapela noong nakaraang linggo kay President Emmanuel Macron ang kapamilya nito na tulongan silang palayain ang kanilang mga nawawalang kamag-anak.
Hindi naman bababa sa 199 Israelis at dayuhan ang dinakip ng mga armadong Hamas at binihag sa pag-atake, na ikinamatay ng 1,300 katao, pinakamalaking bilang ng mga namatay sa isang araw sa 75-taong kasaysayan ng Israel.
Samantala, kaugnay nito naglabas ng pahayag ang Israeli military, na nagsasabing ito ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa pamilya ni Schem at kinondena ang Hamas bilang isang “murderous terrorist organization”.
Kasabay nito, tiniyak naman ng Israeli military na ginagamit nito ang lahat ng intelligence at operational measures para maibalik ang mga bihag.