-- Advertisements --
image 335

Kabuuang 69 na Pilipino na ang nailikas ng pamahalaan mula sa Sudan, dahil pa rin sa nagpapatuloy na kaguluhan doon.

Ayon kay Foreign Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo De Vega, ang nasabing bilang ay batay sa pinagsama-samang bilang ng mga pinoy na nakaalis na mula sa Sudan sa ibat-ibang mga paraan.

Una rito aniya ang tatlong babaeng pinoy na unang lumikas sa nakalipas na araw na bumiyahe papuntang Jeddah, Saudi Arabia sa pamamagitan ng military vessel ng Saudi.

Ngayong araw, limampung mga pinoy na rin ang ibinibiyahe ng tropa ng pamahalaan papuntang Egypt, sa pamamagitan ng land travel.

Maliban sa limampung pinoy, mayroon na umanong 16 na pinoy na una nang umalis sa nasabing bansa, sa tulong na rin ng kanilang mga sariling employers.

Ayon sa opisyal, sa kasalukuyan ay mayroong 725 na pinoy ang nakarehistro sa Philippine Embassy sa Cairo, Egypt, kung saan mahigit kalahati sa kanila ang humingi ng tulong para makauwi.

Sa kasalukuyan, mayroon ding 156 na pinoy sa Sudan ang maaaring sunod na ilikas, anumang oras.