Halos P1-milyon halaga ng iligal na droga ang nasabat ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) mula sa siyam na nahuling drug suspek sa ikinasang buy bust operation sa Quiapo, Maynila, Sabado ng gabi.
Ayon sa Manila Police District Station 3, nagkasa ng buybust operation ang mga pulis laban sa isa sa mga nahuling suspek.
Naganap ang bentahan ng illegal drugs, sa may kanto ng Carlos Palanca Street at Quezon Boulevard sa Barangay 306.
Kaagad naman hinuli ang suspek, matapos ang transaksiyon.
Arestado din ng mga pulis ang ilan pang kasamahan niyang may dala rin umanong droga.
Sa kabuuan, anim na lalaki at tatlong babae ang timbog sa operasyon. Narekober din ang puting kotse ng isa sa mga suspek.
Nasa isang dosenang sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga suspek na nagkakahalaga ng P918,000.
Kasalukuyang nakakulong sa Sta. Cruz Police Station ang siyam na suspek at nahaharap sila sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.