Inanunsiyo ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang deployment ng 67 na bagong immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang bahagi ng kanilang patuloy na pagsisikap na pagandahin ang kanilang serbisyo para sa mga mananakay.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ngayong linggo ay nakatakda nang i-deploy ng Immigration ang mga bago nilang tauhan matapos makumpleto ang tatlong buwang training sa immigration laws, rules and procedures sa Philippine Immigration Academy, Clark Field, Angeles City, Pampanga.
Ang mga bagitong immigration officers ay sumailalim umano sa mahigpit na training para paghandaan ang kanilang trabaho bilang gatekeepers at border control officers ng bansa.
Dagdag ni Morente, plano daw ng BI na mag-hire pa ng karagdagan pang immigration officers para i-deploy sa iba pang major ports at border crossing stations sa bansa.
Mula nang maupo si Morente sa puwesto ay nakapag-hire na ang BI ng mahigit 300 immigration officers para palakasin ang manpower ng Immigration sa mga international ports sa buong kapuluan.