Umabot sa 1,686 na pamilya o 6,701 na individual ang na-validate ng DSWD Region 2 na naapektuhan ng pagbaha sa 12 barangay sa San Manuel at Aurora, Isabela.
Umabot sa 194 na pamilya o 776 na individual ang mga displaced o lumikas sa apat na evacuation center ngunit nakabalik na sila sa kanilang mga bahay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Disaster Response Information Officer Mitchie Sibbaluca ng DSWD Region 2 na ang mga apektadong pamilya ay nabigyan na ng P3,000 na cash sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation at food and non-food items.
Ang family food packs na naibigay sa mga apektadong pamilya ay kinabibilangan ng bigas, sampung canned goods, mga cereal at kape.
Sa bayan ng Aurora ay umabot sa P1,158,000 na cash assistance habang P664,425 ang halaga ng 900 na food items ang naibigay sa mga apektadong pamilya.
Sa bayan naman ng San Manuel ay P1.8 million ang naibigay nilang tulong.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSWD Region 2 sa mga pamahalaang lokal dahil marami pa ang mga pamilyang hindi na-validate at na-asses ng mga social workers.
Ayon kay Sibbaluca, may mga naitalagang municipal action team para sa pag-asses at pag-validate sa mga mabibigyan ng family food packs at cash assistance na P3,000.
Puntirya nilang matapos ang pagkakaloob ng tulong sa araw ng Miyerkules.