Nasa 487 pamilya o 1,867 indibidwal ang isinailalim sa pre-emptive evacuation dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Ang mga ito ay mula sa Region 3, MIMAROPA (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan) at National Capital Region (NCR).

Base sa pinakahuling monitoring ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), epekto pa rin ito ng nararanasasang Tropical Storm Hanna na pinalakas ng hanging habagat.

Sa datos na inilabas ng NDRRMC, nagkaroon ng pre-emptive evacuation sa Zambales na nasa 172 pamilya o 768 indibidwal.

Sa Occidental Mindoro, 200 pamilya o 655 katao.

Apat na lungsod naman sa NCR ang nagsagawa ng paglikas partikular sa Las Pinas, Paranaque City, Taguig at Manila, kung saan may 115 pamilya o 444.

Ginawa nila ang pre-emptive evacuation sa pangamba na tumaas ang tubig-baha dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.

Samantala, nasa 20 domestic flights ang namonitor ng NDRRMC na nagkansela ng biyahe dahil sa masamang lagay ng panahon.