Labis na ikinatuwa ng Commission on Elections (Comelec) matapos malagpasan ang kanilang target na magrerehistro para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa buwan ng Disyembre.
Ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, sa ngayon ay halos 490,000 applications na para registration ng regular at SK voters ang natanggap ng komisyon.
Ito ay simula nang muling nagbukas ang registration noong Hulyo 4.
Sinabi ni Laudiangco na sa ngayon ay nasa 487,628 applications na nang kanilang natanggap base sa Nationwide Consolidated Daily Report released by Divina Blas-Perez ng Election and Barangay Affairs Department (ECAD).
Kabilang na rito ang 302,040 na nagpa-register na may edad 15 hanggang 17-anyos; 157,925 sa edad na 18 hanggang 30 at 27,663 naman para sa 31 years old pataas.
Nakapagtala rin sa ngayon ang ECAD ng 88,471 applicants para sa transfer mula sa ibang cities/municipalities at 21,270 applications para sa transfer mula sa parehong city/municipality.
Ang mga aplikasyon para sa transfer with reactivation ay umabot na rin sa 3,986; applications for transfer with reactivation and correction of entries ay nasa 1,323 at applications for transfer with correction of entries ay 4,712.
Kabuuang 27,883 naman ang nag-apply para sa reactivation; 6,303 para sa reactivation with correction of entries; 18,577 para sa change of names/correction of entries; 58 para sa inclusion sa Book of Voters; 11 para sa reinstatement sa List of Voters at 1,697 naman para sa transfer mula overseas voting patungong local.
Muli namang hinimok ng Comelec ang lahat ng mga gustong magparehistro na huwang nang hintayin ang huling araw ng registration na magtatapos sa July 23.
Tumatanggap pa rin ang Office of Election Officers nationwide ng aplikasyon mula Lunes hanggang Sabado kabilang na ang mga holidays mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ang election activity para sa Barangay and Sangguniang Kabataan ay itinakda naman sa December 5.