-- Advertisements --

VIGAN CITY – Aabot na umano sa halos 50,000 Pantawid Pamilya households o ang mga pamilya na benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan sa Region 1 ang natanggal sa listahan base sa kanilang huling tala noong Agosto ngayong taon.

Sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Region 1, kabuuang 47,078 na pamilya ang natanggal sa nasabing listahan kung saan karamihan sa mga ito ay walang eligible household members na edad 0 hanggang 18 year old na anak.

Maliban pa rito, mayroon ding mahigit 1,000 pamilya na mayroon nang sapat na pagkakakitaan para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Lima rin mula sa kabuuang bilang ang natanggal dahil sa misrepresentation; 162 ang natanggal dahil sa pagsusugal at pagsasangla ng kanilang cash card; 170 ang tinatawag na duplicate households; 29 ang hindi sumunod sa mga kondisyon ng 4Ps program; at halos 7,000 ang boluntaryong inalis ang kanilang sarili sa listahan.

Base pa sa latest record ng DSWD-Region 1, sa Pangasinan nanggaling ang karamihan sa mga pamilyang natanggal sa listahan dahil sa mga nabanggit na rason samantalang ang Ilocos Norte ang maituturing na mayroong pinakamababang bilang ng mga pamilyang natanggal sa listahan.

Ipinaliwanag ng ahensya na bago natanggal sa listahan ang ilang pamilya, dumaan muna sila sa malalim at mausing assessment ng mga tinatawag na case managers ng ahensya.