BAGUIO CITY – Nahaharap sa kaukulang kaso ang isang ginang dahil sa pagbiyahe nito ng mga “hot meat” na baboy sa San Quintin, Abra.

Ito ay matapos makumpiska ng mga awtoridad ang 390 kilo ng karne ng baboy sa quarantine checkpoint sa Tangadan, San Quintin, Abra.

Ayon kay Dr. Jomarh Zales, Chief Regulatory Officer ng Provincial Veterinary Office ng Abra, nakumpiska ang mga karne ng baboy mula kay Rebecca Canlas alyas Rebecca Marcelino na pasahero ng isang bus.

Aniya, sumakay ang pasahero mula San Fernando, La Union at papunta sana ito sa Bangued, Abra.

Sinabi ni Zales na nailagay ang mga karne ng baboy sa anim na sako na naglalaman ng mga karton na kung saan nakalagay mga tainga at atay ng baboy.

Ipinaliwanag ni Zales na maituturing bilang hot meat ang mga nasabat na karne dahil walang maipakitang shipping permit at walang certificate of meat inspection ang nagbiyahe ng mga ito.

Makakasuhan ng paglabag sa R.A. 10536 o ng Meat Inspection Code of the Philippines ang ginang na responsable sa pagbiyahe sa mga karne.

Agad namang naibaon at sinunog ang mga nakumpiskang hot meat.