Hawak na ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang 36 banyaga sa isinagawang raid sa isang illegal online gaming company sa Double Dragon Plaza Tower 3, Pasay City.
Ayon BI Commissioner Jaime Morente, ang mga banyaga ay nagtatrabahong walang kaukulang visas at documentation.
Una rito, agad nagsagawa ng imbestigasyon ang intelligence division matapos makatanggap ng report na mayroong mga banyaga doon na nagtatrabahong walang kaukulang permit.
Nakipag-ugnayan din umano ang BI sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at naberepika ng Immigration Bureau na walang lisensiya at authority to operate ang kumpanya na siyang kailangan para makapag-operate ang isang gaming companies dito sa Pilipinas.
“We coordinated with PAGCOR and verified that this company is unlicensed and has no authority to operate,” wika ni Morente.
Kasabay nito, muli namang nagbabala si Morente sa mga banyagang iligal na pumapasok sa bansa.
“We call on all foreigners to legalize your stay.Do not take advantage of the pandemic, because despite the challenges, our work never stops, and we will continue to arrest, deport, and blacklist any alien who dare disobey our laws,” babala ni Morente.
Sinabi naman ni BI Intelligence Chief Fortunato Manahan, Jr. na nadiskubre nilang sangkot ang naturang kumpanya sa live studio gambling at ang karamihan sa mga operators maging ang nagma-manage ay Korean nationals.
Maliban dito, nagsasagawa rin umano ang kumpanya ng illegal at clandestine online gaming operations.
“Apart from the live studio, they were also conducting illegal and clandestine online gaming operations. We initially rounded up 40 individuals, but found 4 of them to be sufficiently documented, being permanent residents in the country. 36 were unable to present their passports and visas, and were caught in the act of working illegally,” dagdag mi Manahan.
Kabilang sa mga naaresto ang 31 lalaki at limang babae.
Sa naturang bilang, dalawa rito ang Chinese, dalawa ang Indonesians at 32 ang mga Koreans.
Nakaditine na ang mga banyaga sa BI Warden Facility sa Bicutan, Taguig matapos lumabas na negatibo ang mga ito sa RT-PCR test result.