-- Advertisements --

CEBU CITY – Naging mapayapa ang isinagawang “Walk With Jesus” bilang simula ng selebrasyon sa kapistahan ni Señor Santo Niño sa Lungsod ng Cebu.

Kasabay sa pagbuhos ng ulan ang pagbuhos ng halos 300,000 deboto ni Santo Niño de Cebu kung saan sumama sila sa prusisyon kaninang madaling araw at itinuloy ito hanggang sa unang novena mass sa Basilica Minore del Sto. Niño.

Ayon kay Cebu City Philippine National Police officer-in-charge director Colonel Engelbert Soriano, nagkaisa ang libu-libong pulis at augmentation forces upang panatilihin ang kaayusan sa naturang selebrasyon.

Dagdag pa nito na ikinatuwa nila ang naging kaayusan dahil wala silang naitalang mga casualties at mga insidente.

Samantala, nilinaw ni Soriano na walang mangyayaring cellphone signal shutdown at naka-standby na rin ang 2,000 police officers sa nalalapit na Sinulog weekend.