-- Advertisements --

Hinimok ng isa sa House Prosecutor si Vice President Sara Duterte na harapin ang paglilitis kapag bumalik na ito sa bansa matapos ang kaniyang overseas trip.

Ginawa ni House Prosecutor Terry Ridon ang panawagan sa bise presidente sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment trial na nasa ikalimang linggo na subalit hindi pa rin humaharap ang pangalawang pangulo.

“Panawagan po natin sa kanya, Madam Vice President, nasaan man po kayo sa mundo, harapin po natin ang paglilitis, harapin po natin ang katotohanan,” saad ni Rep. Ridon.

Nauna naman nang nilinaw ni Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na sa ilalim ng mga patakaran ng impeachment court hindi obligadong humarap ng personal ang pangalawang pangulo sa kaniyang impeachment trial at itinuturing na kinakatawan na ang bise presidente ng kaniyang mga legal counsel. Sinabi rin ni Escudero na nasa pagpapasya na ni VP Sara kung nais niyang magpunta sa gusali ng Senado o hindi.

Magiging pinal lamang aniya ang pagdalo ng bise presidente kung maghahain ng opisyal na mosyon ang prosekusyon para maglabas ng subpoena ang korte upang obligahin siyang humarap bilang testigo.

Kinuwestyon din ni Ridon ang mga biyahe sa ibang bansa ng pangalawang pangulo kung paano pinondohan ang mga ito.

Paliwanag ng mambabatas na ang mga biyahe sa labas ng bansa ni VP Sara mula 2025 hanggang 2026 sa loob ng 91 araw ay malaking halaga ang nagastos. Tinataya aniyang P8 million ang pinagsamang flights batay sa United Nations Daily Subsistence Allowance.

Kayat giit ni Ridon, dapat na ipaliwanag ni VP Sara kung saan galing ang mga ginamit na private funds.

Nauna naman nang nilinaw ng bise presidente na walang pera ng gobyerno at tanging personal funds ang ginamit sa kaniyang mga biyahe sa labas ng bansa.

Matatandaang nagtapos na ang overseas trip ni VP Sara noong Hulyo 31, base sa inaprubahang travel authority niya.