-- Advertisements --

Nasa P31 milyon ang inilaan na tulong para sa mga pamilyang naapektuhan ng magkakasunod na sama ng panahon at malalakas na pag-ulan sa First District ng La Union.

Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega V, nasa P3 milyon hanggang P5 milyon ang matatanggap ng bawat lokal na pamahalaan, depende sa dami ng mga apektadong pamilya at lawak ng pinsala.

Kabilang sa naipamahaging tulong ang food packs at iba pang agarang pangangailangan. Humingi rin ang tanggapan ni Ortega ng financial assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga apektadong residente.

Nagkaroon ng pinsala sa agrikultura, mga alagang hayop at imprastraktura matapos umapaw ang ilang ilog dahil sa matinding pag-ulan.

Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang lagay ng panahon, lalo na ang pag-ulan at pagtaas ng tubig sa mga lugar na madaling bahain.