Walang mabilisang solusyon sa matinding pagbaha na nararanasan sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dala ng Habagat.
Ito ang sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, kasunod ng malawakang pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.
Ayon kay Dizon, hindi agad maaayos ang problema sa loob lamang ng isang taon. Kailangan umano ng pangmatagalang solusyon at maayos na pagpapatupad ng mga proyekto sa buong bansa.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa mga kuwestiyonableng flood control projects.
Sinabi ng Kalihim na habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon, nakatuon ang DPWH sa pag-aayos ng mga sira, hindi natapos, at inabandunang proyekto na dapat sana’y nakatutulong na sa pagkontrol ng baha.
Samantala, ilang residente ang kinailangang iligtas matapos tumaas nang husto ang tubig-baha sa Barangay San Isidro, Parañaque City.
Gumamit ang mga residente ng lubid bilang gabay habang tumatawid sa malalim na baha. Kalaunan, dumating ang mga rescuer na may dalang rescue boats.
Sa Sucat, Parañaque, halos hindi na gumalaw ang trapiko dahil sa matinding pagbaha. Hindi rin madaanan ng mga sasakyan ang ilang bahagi ng Zapote Junction sa ilalim ng Zapote Flyover.
Sa Quezon City, halos 600 residente mula sa Roxas District at Barangay Bagong Silang ang lumikas dahil sa pagtaas ng tubig baha.
Umabot sa dibdib ang baha sa ilang bahagi ng Gumamela at Waling-Waling Streets sa Roxas District.
Ayon sa mga lokal na opisyal, unang inililikas ang mga bata, senior citizen, at persons with disabilities bilang pag-iingat.
Sa Roxas Gymnasium, 19 na pamilya o nasa 70 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation.
Samantala, hindi bababa sa 149 na pamilya mula sa Barangay Bagong Silang ang naiulat ding lumikas.
















