KORONADAL CITY – Halos 30 biktima ang dumulog sa tanggapan ng PNP matapos na mabiktima ng isang investment scam sa probinsya ng South Cotabato.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas An, isa sa mga investors, hindi na umano nila mahagilap ang nagpakilalang founder o recruiter ng Dianamite Investment Scam na kinilalang si Diana Loyola Roldan matapos na makapag-invest sila ng libu-libong pera.
Modus umano ng suspek ang 101% return of investment sa loob lamang ng 17 araw.
Ipinangako din umano ng suspek ang money back guarantee sa kanyang mga investors, dahilan para mahikayat ang mga biktima na maghulog ng pera.
Sa unang 17 araw umano, nakakapagbigay pa ang suspek subalit nang lumaki na kanilang binibigay na pera ay hindi na raw nagparamdam pa si Roldan.
Samantala, ibinunyag ng ilan sa mga investors na may natatanggap na silang banta dahil ilan umano sa mga ito ang naging middleman din ng iba pang nag-invest.
Napag-alaman na galing sa iba’t ibang bahagi ng probinsya ang mga biktima kung saan nasa halos P6-milyon ang nakulimbat ng suspek.
Sa ngayon, desidido ang mga biktima ng sampahan ng kaso ang suspek at ang iban pang kasamahan nito.
Inaasahan din umano na dadami pa ang mga biktima na magsasampa ng kaso laban sa Dianamite matapos ang paglitaw ng mga naunang investors.