Iniulat ng Philippine National Police na umabot na sa halos 27,000 na mga barangay ang “cleared” na sa ilegal na droga.
Sa gitna pa rin ito ng Barangay Drug Clearing Programs ng Pambansang Pulisya na bahagi pa rin ng ipinapatupad na mas agresibong “war on drugs” campaign ng pamahalaan.
Ayon kay Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., as of January 12, 2023 ay pumalo na sa 26,883 ang bilang ng mga barangay na itinuturing nang “drug cleared” ng PNP.
Aniya, katumbas ito ng 75.97% ng kabuuang 35,385 na mga barangay na una nang napabilang sa drug affected barangays sa buong Pilipinas.
Bukod dito ay inihayag din ng hepe ng Pambansang Pulisya na sa pagsisimula ng taong 2023 ay pumalo na sa Php 70,143,351.96 ang katumbas na halaga ng mga ilegal na drogang nasabat ng mga otoridad mula sa 1,518 na magkakahiwalay na operasyong ikinasa ng PNP units sa iba’t-ibang bahagi ng bansa mula Enero 1 hanggang Enero 14.
Sa datos, nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 2,092 indibidwal dahil sa paglabag sa iba’t-ibang probisyon ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, iginiit din ni Azurin na ang tagumpay na ito ay dulot pa rin ng “whole of the nation approach” ng gobyerno pagdating sa pakikipaglaban kontra ilegal na droga.
“I commend the collective efforts of government agencies especially those who work to attain this notable achievement.” ani PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr.