-- Advertisements --
pnp chief azurin

Magpapakalat ang Philippine National Police ng halos 200,000 kapulisan para sa nalalapit na selebrasyon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

Ito ay bilang bahagi pa rin ng paghahanda ng pambansang pulisya sa pagtiyak ng sa seguridad at kaligtasan ng publiko ngayong Holiday Season.

Ayon kay PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., aabot sa 192,000 na mga pulis o katumbas ng 85 percent ng kanilang buong pwersa ang ide-deploy sa mga pampubliko at matataong lugar tulad ng mall, park, paliparan, pantalan, at mga bus terminal.

Kaugnay nito ay kakanselahin din aniya ang lahat ng leave ng mga pulis mula Disyembre 15 hanggang Enero 10 para sa dagdag na tao, habang maging ang mga pulis na karaniwang naka-assign sa adminstrative works ay aatasan din ng patrol duty ngayong magpapasko at bagong taon.

Kung maalala, una na rin sinabi ng PNP na bukod sa mga pulis na nasa assistance desk ay magpapakalat din sila ng mga non uniformed police personnel para naman sa dagdag na pagbabantay sa mga lugar na posibleng samantalahin ng mga masasama at mapagsamantalang loob.

Bukod dito ay patuloy naman ang panawagan ng Philippine National Police sa publiko na maging mapagmatyag pa rin at palaging mag-ingat kontra sa mapagsamantalang loob ngayong panahon ng Kapaskuhan at Bagong taon.