CAUAYAN CITY – Umabot na sa 17 na tripulanteng Pilipino ang naitalang positibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa Port of Hedland sa Western Australia.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Denmark Suede, registered nurse sa Sydney, sinabi niya na pinakahuling naidagdag sa bilang ang walo pang Pilipino crew member ng Patricia Oldendorff.

Umalis aniya sa South Korea ang barko lulan ang mga tripulanteng Pinoy noong August 30, 2020, at dumaan sa Manila noong September 5 para magpalit ng kapitan at crew bago naglayag patungong Western Australia.

Pagsapit ng September 16, ay dumaong sa Port of Hedland sa Western Australia ang Patricia Oldendorff.

Naka-isolate na ang 10 tripulanteng Pinoy na lulan ng Patricia Oldendorff sa isang hotel sa Western Australia, habang ang siyam ay naka-isolate sa cabin ng barko.

Hindi pa naman daw nangangailangan ng hospitalization ang mga Pinoy crew member subalit pinayuhan silang sumailalim sa quarantine.