Nahuli ng mga ahente ng Land Transportation Office (LTO) ang kabuuang 1,737 motorista sa Metro Manila dahil sa iba’t ibang paglabag kabilang ang hindi pagsusuot ng seatbelt at mga may sira na accessories noong buwan ng Mayo.
Sinabi ni LTO-National Capital Region (NCR) director Roque I. Verzosa na ang serye ng operasyon noong nakaraang buwan ay bahagi ng hakbang para himukin ang mga motorista na sumunod sa batas trapiko, partikular sa aspeto ng kanilang kaligtasan at ng mga commuter.
Aniya, mahigpit na iminumungkahi ng mga ahente ng LTO ang tamang paggamit ng seatbelts para sa mga pribadong sasakyan at protective gears para sa mga motorcycle riders.
Sa buong buwang operasyon, sinabi niya na may kabuuang 255 motorista ang nahuli dahil sa hindi pagsusuot ng prescribed seat belt device habang 57 rider din ang nahuli dahil sa hindi pagsusuot ng standard protective motorcycle helmet.
Ibinunyag din niya na may kabuuang 420 motorista ang nahuli para sa iba pang mga paglabag tulad ng mga may sira na accessories, device, equipment, at iba pang mga paglabag sa batas trapiko.
Una nang nagpaalala ang LTO na sundin ang batas trapiko upang maiwasan ang anumang mga aksidente.