Iniulat ng Council for Welfare of Children na sumampa na sa kabuuang 17,681 na kaso ng karahasan laban sa mga bata ang naiulat noong 2023.
Ayon kay Council for Welfare of Children executive director Angelo Tapales,ito ay bahagyang mas mababa kaysa sa mahigit 19,000 kaso ng karahasan laban sa mga bata na iniulat sa Philippine National Police-Women and Children Protection Center noong 2022.
Aniya ang tatlong nangungunang kaso ng violence against children , parehon noong 2023 at 2022, ay paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang Child Abuse Law, rape, at acts of lasciviousness.
Humigit-kumulang 1,000 na mga kaso ang kinasasangkutan ng online sexual abuse and exploitation of children noong 2023 at mahigit 300 kaso ng Online Sexual Abuse or Exploitation of Children ang naisampa noong nakaraang taon.
Sinabi ni Tapales na mahigpit nilang binabantayan ang mga kaso ng kinasasangkutan ng mga bata, lalo na ang Online Sexual Abuse or Exploitation of Children dahil ilan sa mga gumagawa ng krimen ay mga magulang o tagapag-alaga ng mga bata.
Karamihan rin sa mga bata na nasasangkot sa ganitong kaso ay nakararanas ng Trauma.
Nagpahayag din si Tapales ng pagkabahala sa mga ulat na milyon-milyong artificial intelligence-generated child sexual abuse material ang laganap na ngayon sa ibang bansa.
Aniya, wala pang ganitong kaso ang naiulat sa Pilipinas ngunit mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon sa hangaring pigilan ang pagpasok nito sa bansa.
Sinabi ni Tapales na ang mga salarin ay nakakagawa ng “photorealistic na mga larawan” ng mga bata sa mga materyal na pang-aabusong sekswal at pagsasamantala na kanilang ginagawa at ibinebenta sa dark web
Sinabi rin nito na ang mga magulang mismo ay maaari ding tumulong sa pamamagitan ng pagpapaalam sa kanilang mga anak tungkol sa mga mapaminsalang nilalaman at materyales, paggugol ng mas maraming oras sa kanilang mga anak, at paggamit ng mga mekanismo sa pag-uulat kapag sila ay natitisod sa mga materyales ng Online Sexual Abuse or Exploitation of Children.