Nagpapatuloy ang iba’t ibang hakbang ng mga lungsod sa bansa upang tugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral na humaharap sa bagong yugto ng pag-aaral dahil sa pagpapatupad ng blended learning bunsod pa rin ng coronavirus pandemic.
Sinimulan na ngayong araw ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor na i-turn over ang 11,500 tablets sa Department of Education-Bacoor na nakatakda namang ipamahagi sa mga grade 10 at 12 na estudyante ng mga pampublikong paaralan.
Bukod pa sa mga tablets ay ilang proyekto na rin ang nasimulan ngayong linggo ng naturang lungsod kasabay nang pagbubukas ng eskwela nooong Oktubre 5.
Sa pamumuno ni Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla ay nakapagbigay na ng mahigit 800 laptops para sa mga guro, nagtalaga rin ito ng pondo na ilalaan sa risograph machines at iba pang equipemnts na kakailanganin para sa printing, copying at distribution ng mga teaching modules.
Namigay na rin ito ng tatlong brand new emergency response vehicles para sa “modules on wheels.” Bukod diyan ay gumawa rin ang alkalde ng paraan upang palakasin pa ang connectivity requirements ng mga elementary, junior high at senior high schools sa buong Bacoor.
Itinuloy din ang ginagawang disinfection at santiation operations sa bawat eskwelahan at namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng mga pintura sa 43 eskwelahan na lalahok sa Brigada Eskwela.
Ayon kay Mayor Revilla, malakas umano ang kaniyang paniniwala na walang kabataang Bacooreño ang dapat na maiwan sa kanilang edukasyon sa kabila ng health crisis na hinaharap ng bansa.
Hangad din aniya nito na matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa kaniyang nasasakupan dahil isa umano sa susi ng pag-unlad at progreso ng Bacoor ay ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa mga Bacooreño.
Tiniyak naman ng alkalde na magpapatuloy ang mga construction projects na may kaugnayan sa pagpapaunlad ng sports at education facilities sa nasabing lungsod. Magdadagdag din aniya ang kaniyang administrasyon ng school buildings, classrooms, at track and field oval sa Bacoor Elementary School bilang paghahanda sa pagbabalik-eskwela ng mga kabataan.