Na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Air Force 505th Search and Rescue Group ang nasa 96 na sibilyan na na-trap nang magkaroon ng sunog sa Mega Tower Building sa Mandaluyong City kahapon.
Ayon kay Philippine Air Force (PAF) commanding general Lt Gen. Allen Paredes, gamit ang S-76A helicopter Nr 206, isinakay ang mga stranded at na-trap na sibilyan mula sa rooftop ng Mega Tower Building.
Sila ay inilipad patungo sa rooftop ng kalapit na SM megamall.
Sinabi ni Paredes na naka-15 balik ang helicopter para madala sa ligtas na lugar ang lahat ng mga sibilyan.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa ika-25 palapag ng Mega Tower building bandang 10:30 ng umaga at idineklarang fire-out ng bandang alas-3:50 ng hapon.
Samantala una ng sinabi ng Bureau of Fire Protection na nasa 10 construction workers ang kanilang narescue mula sa nasusunog na 25th Floor ng nasabing building kung saan isa dito ang sugatan matapos tamaan ng mga basag na salamin ang kamay.
Ayon kay Mandaluyong Fire Station Chief, Fire Supt. Alberto de Baguio, nasa mabuting kondisyon na ang sugatan na construction worker.
Sinabi ni De Baguio, batay sa inisyal na imbestigasyon nagsimula ang apoy sa isang ducting insulation sa air conditioning unit ng nasabing building.
Nakatakdang magpulong ang BFP sa may-ari ng Mega Tower, Engineers at maging ang mga security at safety officers nito hinggil sa insidente para pag-usapan ang nangyaring sunog.
Pinaliwanag naman ni De Baguio kung bakit kailangan nila magbasag ng mga glass windows ay para magkaroon ng ventilation ng sa gayon makalabas ang usok.
Ang nasunog na Mega Tower ay wala pang occupant dahil ongoing ang construction nito at tanging mga trabahante lamang ang nasa loob.