Umaasa ang Supreme Court (SC) na madadagdagan pa ang bilang ng mga palalayaing inmates ngayong panahong may kinahaharap ang bansang krisis na Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Una rito, kinumpirma ng Korte Suprema na halos 10,000 na ang mga napalayang inmates sa panahong umiiral ang enhance community quarantine.
Base umano sa datos ng Office of the Court Administrator, kabuuang 9,731 na persons deprived of liberty (PDLs) ang napalaya mula noong Maros 17 hanggang Abril 29.
Sa naturang bilang, 2,082 ang napalaya mula sa National Capital Region (NCR), 4,657 sa Luzon, 1,072 sa Visayas at 1,920 namn sa Mindanao..
Una rito, sa inilabas na Administrative circular 38-2020 ni Chief Justice Diosdado Peralta, ipinag-utos nitong babaan ang piyansa at recognizance para sa mga mahihirap na PDLs na nililitis sa mga kasong may parusang pagkakakulong ng anim na buwan at isang araw hanggang 20 taon sa panahon ng public health emergency.
Para naman sa mga PDLs na may parusang anim na buwan pababa na pagkakabilanggo, maari itong palayain sa sarili nitong recognizance o hindi na kailangang isailalim sa kustodiya ng sino man.
Pero nilinaw ng kataas-taasang hukuman na hindi sakop ng kautusan ang mga convicted PDLs.