-- Advertisements --

Inaasahan na sa buwan ng Disyembre ay sisimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang pamamahagi ng P5,000 cash assistance para sa mga rice farmers na may sinasakang 1 ektaryang lupain.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, manggagaling ang tulong pinansyal na ito sa sobrang taripa na kanilang nakolekta mula sa mga rice imports.

Bilang tulong na rin aniya ito sa mga magsasaka na sinusubukang bumangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic, Rice Tarrification Law at sunod-sunod na hagupit ng mga nagdaang bagyo.

Noong Pktubre ay inaprubahan ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform ang resolusyon na magbibigay ng tulong pinansyal sa mga maliliit na rice farmers bilang resulta ng sobrang rice tariff revenues.

Upang malaman kung kwalipikadong beneficiary, kailangan ay nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Ganito rin ang patakaran sa naunang cash aid assistance o Rice Farmers’ Financial Assistance (RFFA) at Financial Subsidy for Rice Farmers (FSRF).

Binigyang-diin din ni Dar na mahigpit na ipapatupad ng ahensya ang price freeze sa mga agricultural at fishery commodities at maging sa basic essential goods.

Kasunod na rin ito ng pagdedeklara ng state of calamity ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Luzon.