-- Advertisements --

Tatlo ang patay habang isa ang sugatan sa gumuhong bahagi ng construction site sa Dasmariñas City, Cavite matapos ang walang humpay na buhos ng ulan dulot ng bagyong Ulysses.

Sa online post ni Dasmariñas Rep. Elpidio Barzaga, isang 2-taong gulang na bata ang nasawi at mag-asawa ang nasawi nang bumigay ang bahagi ng tinatayong extension building ng Polytechnique Manufacturing sa Barangay Langkaan 1.

“Na-retrieve na ang 3 bangkay (mag-asawa at isang anak na 2 years old) at dinala sa Pagamutan ng Dasmariñas para sa formal declaration ng death. Kasalukuyang inaabisuhan ang kanilang next of kin bagamat alam na ang mga pangalan ng nasawi sapagkat nakuha ang kanilang mga ID,” ani Barzaga sa Facebook post.

Batay sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), alas-5:00 ng umaga nang gumuho ang bahagi ng tinatayong gusali.

Sa tulong ng CDRRMO at barangay officials, isang Jomer Blesario ang na-rescue mula sa gumuhong gusali dakong alas-10:00 ng umaga.

“He was brought to the Pagamutan ng Dasmariñas and is now out of danger.”

Ayon kay Barzaga, agad niyang pinadala sa pulisya ang foreman ng contractor at representative ng kompanyang may-ari ng gusali.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente.