LEGAZPI CITY – Paunti-unti nang nagsisidatingan ang mga ayuda para sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Rolly sa island province ng Catanduanes.
Sa bayan ng Bato unang nag-landfall o direktang tumama ang bagyo subalit ang kabuuan ng isla ang nagtamo ng malaking pinsala.
Kahapon, namahagi ng banig, tarpaulin at hygiene kits, si Senator Richard Gordon bilang Red Cross chairman kasama ang International Federation of Red Cross at Red Crescent Society.
Naghatid din ng relief goods si Vice President Leni Robredo sa lalawigan.
Bumisita naman sa Office of the Governor si DSWD (Department of Social Welfare and Development) Secretary Rolando Bautista, DSWD regional office director at pinuno ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, sa rehiyon upang alamin ang iba pang pangangailangan.
Samantala, inanunsyo ni Gov. Joseph Cua na balik na rin ang operasyon ng mga barko mula Tabaco City patungong Catanduanes.
Subalit hindi pa rin hinihikayat ang pag-uwi ng mga locally stranded individuals at returning overseas Filipinos sa lalawigan.
Limitado pa aniya kasi ang road access dahil pitong bayan pa ang unpassable sa mga sasakyan, malala rin ang pinsala sa quarantine facilities, habang depleted o paubos na ang resources.
Malaki pa rin ang pangangailangan ng mga residente sa tubig, pagkain, at gamot habang hindi pa naaayos ang transportasyon at kuryente sa isla.
Paalala lamang sa mga organisasyon at indibidwal na nagtayo ng fundraising campaigns o donation drives na makipag-ugnayan sa provincial government upang makaiwas sa “bogus” campaigns.