-- Advertisements --

Nakatakdang ipatawag ng Senado sa Huwebes ang mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) at Smartmatic dahil na rin sa napaulat na insidente umano ng hacking noong buwan ng Enero.

Hihingian daw kasi ng oversight committe ng paliwanag ang mga opisyal ng Comelec at Smartmatic kasunod ng napaulat na napasok ng mga hackers ang server ng komisyon.

Layon ng executive session ng joint congressional oversight committee on the automated election system na malaman kung paano nakuha ng mga hackers ang datos ng mga botante na hawak ng Smartmatic.

Sa mga isinagawang pagdinig kapwa sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Privacy Commission (NPC) na wala silang nakitang indikasyon na na-hack ang Comelec kundi ang hacking ay posibleng nangyari daw sa bahagi ng Smartmatic.

Hindi pa makapagbigay ngayon ng impormasyon ang mga kongresista at senador ng detalye sa takbo ng kanilang imbestigasyon at kailangan pa nilang pigain ang isyu sa isasagawang close door session.

Samantala, kasama na rin daw sa tatalakayin ang pag-amin ng Comelec na bawal ang mga observers sa pag-imprenta ng National Printing Office (NPO) sa mga balota.

Kasama pa rito ang configuration ng SD cards sa vote counting machine pati na rin ang hindi na naman daw matutuloy na digital signature ng lahat ng vote counting machines nang dahil umano sa kakulangan ng mga kable.