KALIBO, Aklan — Sa kabila ng nararanasang Habagat at mga malalakas na ulan tuwing hapon at gabi, hindi naapektuhan ang tourist arrivals sa Isla ng Boracay.
Ayon kay Malay tourism officer Felix delos Santos, nasa 6,000 hanggang 8,000 pa rin ang average na turistang pumapasok sa isla bawat araw.
Batay sa kanilang datos, mula Mayo 1 hanggang 17, nakapagtala ng kabuuang 100,302 na bisita.
Sa nasabing bilang, halos 10 porsiyento dito ang mga dayuhan.
Nangunguna dito ang USA, Europe, Germany, UK at ilang Asian countries kagaya ng Korea.
Mahina pa aniya ang pagpasok ng mga Chinese tourist dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa lalo na sa Shanghai.
Samantala, sinabi ni delos Santos na maaring sa Hunyo 15 ay magkakaroon na ng direct flights sa Kalibo International Airport mula sa Korea.
Batay umano sa kanilang Recovery and Resiliency Plan, hanggang hindi pa full-blast ang pagdating mga foreign tourists ay hindi pa tuluyang makakabangon ang Boracay.