-- Advertisements --

Magpapaulan ngayong Martes, Aug. 11 ang Southwest Monsoon o Habagat sa ilang lugar sa Luzon ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Asahan na ang pabugso-bugsong mga pag-ulan sa Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro, kung saan posible ang flash floods at landslides dahil sa katamtaman hanggang malalakas na ulan.

Samantala, makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Metro Manila, CALABARZON, Pangasinan, Benguet, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro at Camarines Norte.

Posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na ito dahil sa katamtaman hanggang paminsan-minsang malalakas na pag-ulan.

Sa iba pang bahagi ng Luzon, asahan ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated rain showers o thunderstorms.

Sa Visayas at Mindanao, localized thunderstorms naman ang maaaring magdala ng isolated rain showers o thunderstorms.

Samantala, patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang isang tropical cyclone na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Namataan ito sa layong 3,355 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon, taglay ang maximum sustained winds na 85 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 105 kilometro kada oras.

Kumikilos ito pakanluran-hilagang-silangan sa bilis na 25 kilometro kada oras.