BACOLOD CITY – Tinutukoy pa ng mga pulis ang apat na mga suspek na pumatay sa security guard ng isang rice mill na kanilang pinagnakawan sa Bago City, Negros Occidental.

Una rito, napatay ng mga suspek ang biktima na si Hernanie Alderete, 46, ng Purok Cadena de Amor, Brgy. Singcang Airport, Bacolod City matapos pinasok ng mga ito ang San Isidro Rice Mill sa Purok Roadside Brgy. Lag-asan, Bago City, kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Police Senior Inspector Reynaldo Severino, deputy chief ng Bago City Police Station, walang nakuhang pera ang mga suspek dahil walang iniiwang cash sa rice mill kaya’t kanilang pinatay ang security guard.

Tinangay din ng mga suspek ang cellphone, pera at shotgun ng gwardiya.

Habang nasa loob ng rice mill ang tatlong suspek, ikinulong din ng kanilang kasama sa sasakyan ang driver na si Jerson Antiojo ngunit nakatakas ito at nakahingi ng tulong sa mga pulis.