-- Advertisements --
RONNEL MAS

Pinasasampahan na ng Department of Justice (DoJ) ng kaso sa korte ang gurong nag-alok ng P50 million para sa makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa tatlong pahinang resolusyon na pirmado ni Assistant State Prosecutor Jeanette Dacpano, inirekomenda nito ang pagsasampa ng kaso kay Ronnel Mas na inciting to sedition na may kaugnayan sa cybercrime.

Una rito, sinabi ng prosecutor na depektibo ng warrantless arrest kay Mas dahil hindi umano ito pasok sa scope ng warrantless arrest na nakasaad sa batas.

Pero maituturing namang “ultimately cured” na ito noong inamin ng naturang guro sa media na siya ay ang nag-post ng provocative text sa kanyang Twitter account.

Si Mas ay inaresto sa Zambales ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI)-Dagupan. nang walang kaukulang warrant at dinala sa Manila para sa inquest.

Ang kaso ay isasampa na sa Zambales court sa susunod na linggo ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento.