CAUAYAN CITY – Nakumpiskahan ng baril, mga bala at droga, ang isang improvised gunmaker matapos silbihan ng search warrant ng mga pulis sa Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.
Ang suspek ay si Ceasar Valdez, residente ng Inaban, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Major Ferdinand Corpuz, hepe ng Dupax Del Norte Police Station na nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa paggawa ng mga improvised na baril at paggamit ng iligal na droga ng suspek kaya hiniling nila sa hukuman na maglabas ng search warrant para halughugin ang bahay ni Valdez.
Matapos maglabas ng search warrant si Judge Nerissa Leal ay agad nila itong ipinatupad at hinalughog ang bahay ni Valdez.
Nakuha sa bahay ng suspek ang isang cal. 38 revolver na walang serial number, tatlong rounds ng bala, isang M203 grenade launcher at dalawang piraso ng heat sealed plastic sachet ng hinihinalang Marijuana.
Wala sa kanyang bahay si Valdez nang isilbi ang search warrant ngunit agad na sumuko makaraang malaman na nagpatupad ng search warrant ang mga otoridad sa kanyang bahay.
Inihahanda na ang mga kaso na isasampa laban sa suspek.