Umabot na sa 3,569 ang bilang ng mga naaresto ng Philippine National Police (PNP) nang dahil pa rin sa paglabag sa nationwide gun ban na kasalukuyang pinaiiral sa bansa.
Sa datos ng PNP, nasa 1,287 o katumbas ng 36.06% ng kabuuang bilang ng mga violators ang mula sa Metro Manila, na sinundan naman ng Calabarzon na mayroong 386 na mga naaresto, 372 sa Central Visayas, 318 sa Central Luzon, at 212 sa Western Visayas.
Arestado naman ang 3,433 na pawang mga sibilyan, 61 ang mga nahuling security guard, 27 ang police personnel, at 22 naman ang naarestin military personnel, habang 26 naman sa mga violators ang hindi pa nakikilala.
Mula sa ikinasang 3,354 na law enforcement operations ng pulisya mula noong Enero 9 ay nakumpiska nila ang nasa 2,752 firearms, 153 na mga replika ng baril, 1,141 na mga armas na may patalim, 140 pampasabogm at 17,195 na mga bala.
Samantala, nakatakda namang magtapos ang naturang gun ban pagsapit ng Hunyo 8.