BOMBO DAGUPAN – Mabilis ang ginawang aksyon ng mga kinauukulan sa gumuhong dike sa bayan ng Pozorrubio dito sa lalawigan ng Pangasonan na epekto ng pag-ulan na dala ng bagyong Egay.
Una rito ay nakaranas ng malakas na pagbuhos ng ulan ang naturang bayan kamakailan at nagdulot ng pag-apaw ng tubig sa Bobonan-Loac spillway, lumakas naman ang pagragasa ng tubig, kung kaya’t nasira at gumuho ang dike dito.
Nagsagawa naman agad ng site inspection ang mga opisyal sa pamumuno ni mayor Kelvin T. Chan, para makita kung gaano kalawak ang pagka-sira ng dike.
Pinangunahan naman ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office kasama ang ilang personell ng Bureau of Fire Protection, Pozorrubio Municipal Police Station, at mga Barangay Councils ng Barangay Bobonan at Laoac ang pagtanggal sa mga nakabara sa daluyan ng tubig.
Gumamit sila ng heavy equipment para mapabilis ang operasyon nang madaanan ito ng mga motoristang papasok at palabas sa apektadong barangay.
Sa ngayon ay maari nang madaanan ang lugar, ngunit patuloy parin ang pagmomonitor nila sa magiging kalagayan nito.
Paalala naman sa kanilang nasasakupan na palaging umantabay sa mga abiso ng kanilang tanggapan upang maging updated sila sa maaring epekto ng ulan.