-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpaliwanag ang mga bayan ng Guinobatan at Sto. Domingo sa Albay kaugnay sa pagpapalikas ng mga residenteng nasa 7-8km extended danger zone ng Bulkang Mayon.

Ito ay matapos padalha ng sulat ni Albay Governor Grex Lagman ang mga alkalde ng dalawang bayan upang pagpaliwagan sa pagpapalikas sa mga residenteng wala naman sa 6km permanent danger zone.

Una na kasing napag-usapan na sa ilalim ng Alert Level 3 tanging mga nakatira lamang sa permanent danger zone ang kailangang ilikas, habang ang mga nasa extended danger zone ay pinaghahanda pa lamang sa paglikas kapag itinaas sa Alert Level 4 ang bulkan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Guinobatan Paul Chino Garcia, nanindigan ito na hindi magpapatupad ng decampment sa mga residenteng inilikas mula sa 7-8km extended danger zone.

Paliwanag ni Garcia na mga tunog ng rockfall at nangangamoy na asupre ang dahilan ng pagpapalikas sa mga barangay ng Tandarora at Maninila.

Maliban na dito, dalawang channel mula sa Mayon ang nakapagitna sa dalawang barangay kung kaya’t delikado sa mga residnte kung sakaling biglang pumutok ang bulkan.

Mas pahirapan din ang pagpapalikas sa naturang mga barangay kung nasa alert level 4 na ang bulkan dahil sa mga volcanic materials.

Binigyan diin ni Garcia na hindi dapat panghinayangan ng pamahalaan ang gastos sa mga ganitong sitwasyon lalo na kung buhay ng tao ang nakataya.

Samantala sa hiwalay na panayam kay Sto. Domingo MDRRMO Head Engr. Edgar Balidoy, pinagbasehan sa pagpapalikas ng mga residente na nasa 7-8 km extended danger zone ay ang nangyaring erruption noong June 23,1897 na nag-iwan ng pangamba at takot sa mga residente.

Ito ay dahil lagpas sa 8km umano ang inabot ng Pyroclastic Density Current (PDC).

Bunsod nito, tuwing may pag-alburoto ang bulkang Mayon hindi maiwasan ng mga residente na mabahala at maalarma, kung kayat mas pinipili na lamang na lumikas upang mapanatag ang loob.

Ayon kay Balidoy, boluntaryong lumikas ang mga residenteng nakatira sa extended danger zone at sila mismo ang nagtayo ng mga temporary shelter sa mga itinalagang evacuation center upang maiwasan ang siksikan.

Binigyang diin nito na responsibilidad ng mga local chief executives na mapangalagaan at masiguro ang kaligtasan ng mga nasasakupan.