-- Advertisements --

ILOILO CITY – Pumanaw na ang kontrobersyal na si Guimbal, Iloilo Mayor Oscar “Oca” Garin sa edad na 80.

Kinumpirma ito ng kanyang mga anak na sina Iloilo Vice Governor Christine Garin at Guimbal Vice Mayor Jennifer Garin Colada.

Napag-alaman na si Mayor Garin ay dinala sa ospital matapos nagpositibo sa COVID-19.

Si Garin ay nagsilbing kongresista ng unang distrito sa Iloilo noong 1987-1998 at 2001-2004.

Kaugnay nito, labis naman na ikinalulungkot ng mga barangay officials ng Guimbal ang pagpanaw ng alkalde.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Punong Barangay Ma. Venus Catacutan ng Gotera, Guimbal, Iloilo at pamangkin ni Mayor Garin, sinabi nito na umasa sila na mayroon pa sanang mangyaring milagro.

Matandaan na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Departmemt of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na imbestigahan si Mayor Garin at anak nito na si dating Iloilo 1st District Rep. Richard Garin na nanakit at mambastos kay Police Staff Sgt. Federico Macaya kung saan dinis-armahan, pinosasan, pinagsasampal at dinuraan pa umano ito.

Hindi naitago ng Pangulo ang pagkadismaya sa ginawa ng mag-amang pulitiko dahil lumalabas na wala ng umiiral na demokrasya at ang nangyayari ay political terrorism.