-- Advertisements --
BOC BUILDING

Inilabas na ng Bureau of Customs ang mga guidelines para sa Regional Comprehensive Economic Partnership.

Ito ay sa ilalim ng Customs Memorandum Order No. 12-2023, na layuning balangkasin ang mga patakaran para makakuha ng preferential tariff treatment sa ilalim ng Regional Free Trade deal.

Sa kautusang ito ay tanging ang mga imported na kalakal lamang mula sa alinmang mga member countries ang may karapatang i-claim ang preferential tariff rates na ibinigay ng RCEP.

Bukod dito ay nagbabalangkas din ng mga partikular na pamamaraan ang naturang kautusan na dapat sundin sa paglalabas at pagtanggap ng “certificate of origin” na kinakailangan para sa mas mapadaling pag-aangkat ng mga kalakal.

Kaugnay nito ay inatasan na rin ng BOC ang Export Coordination Division na suriin ang lahat ng isinumiteng certificate of origin at mga aplikasyon para sa approved exporter status upang masubaybayan nito at ng mga importer, at exporters ang paggalaw ng mga ito sa loob ng rcep trading bloc.

Ang partnership na ito ay nag-aalis ng hindi bababa sa 90% ng mga taripa sa mga pag-import sa loob ng mga bansang lumagda sa naturang kasunduan, na sumasaklaw sa 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations at mga kasosyong bansa nito tulad ng Australia, China, Japan, South Korea, at New Zealand.

Ayon sa BOC, dapat na makakuha ng mga importer ang mga sertipikasyong ito nang may declaration of origin ng pinagmulan mula sa mga exporter na pinahintulutan ng Pilipinas upang maging kuwalipikado para sa mga rate ng taripa ng RCEP.