-- Advertisements --

Umapela ang isang kongresista sa Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF-EID) na maglatag ng guidelines para sa mga manggagawang babalik na sa kanikanilang mga trabaho sa mga lugar na hindi na sakop ng enhanced community quarantine pagsapit ng Abril 30.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera, dapat makasama sa naturang guidelines ang pag-obliga sa mga pribadong kompanya at local government units na isailalim sa COVID-19 rapid testing ang kanilang mga empleyado.

Para matulungan ang mga pribadong kompanya sa gagastusin sa COVID-19 rapid tests ng mga empleyado, sinabi ni Herrera na maaring magbigay ng tax credit o anumang incentive ang pamahalaan.

Sa ganitong paraan ay hindi aniya ipapasa naman sa mga mamimili ang ginastos ng mga kompanya para sa testing ng kanilang mga empleyado, at para na rin hindi pa tumaas ang inflation rate.

Iginiit ni Herrera na ang magnenegatibo lamang sa COVID-19 ang siyang dapat pahintulutang makabalik sa trabaho, habang ang mga magpopositibo naman ay dapat kaagad na maidala sa mga ospital o quarantine facilities.

Mababatid na pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ng hanggang Mayo 15bang enhanced community quarantine sa Metro Manila at iba pang mga “high risk” na lugar.

Ang iba naman ay isinailalim sa general community quarantine pagkatapos ng Abril 30.