-- Advertisements --
comelec checkpoint

Kasalukuyan pa ring inaantabayanan ng Philippine National Police ang mga guidelines sa pagpapatupad ng “money ban” sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30, 2023.

Ito ay matapos na ianunsyo ni Commission on Elections chairman George Erwin Garcia na magpapatupad ng komisyon ng “money ban” sa bansa ilang araw bago ang gaganaping halalan upang masawata ang talamak ng vote buying sa bansa tuwing panahon ng halalan.

Ayon kay PNP-Public Information Office chief PBGEN Redrico Maranan, sa ngayon ay hindi pa hawak ng Pambansang Pulisya ang mga specific guidelines para sa naturang kautusan.

Ngunit kasabay nito ay tiniyak niya na buo ang suporta ng kapulisan dito upang tuluyan nang masugpo ang problema ng vote buying sa bansa.

Kung maaalala, sa ilalim ng “money ban” ay ipagbabawal na ang pagdadala ng sinuman ng Php500,000 pataas na halaga ng cash.

Ngunit exempted dito ang mga indibidwal na kabilang sa kanilang trabaho ang pagdadala ng pera tulad ng mga cashiers, payroll workers, at iba basta’t mayrong kaukulang dokumento ang mga ito.